Sa pagbabasa ko ng Bibliya at inspirational books, nalinawan ako sa dalawang maaaring patunguhan ng mga taong nakakaranas ng matinding dagok sa buhay -
Ang lumapit sa Diyos o ang lumayo sa Kanya.
Lumapit sa paraang ilalagay mo Siya sa sentro ng buhay mo at hihintayin ang Kanyang pangako na magiging maayos ang lahat sa kabila ng sakit at pait na nararanasan mo.
Lumayo sa paraang mas pinili mo ang mga makamundong bagay tulad ng seks, alak at sigarilyo para maibsan nang panandalian ang sakit at ang pait.
Natutuwa ako sa paraang pinili ko – ang nauna. Pero aaminin ko, hindi talaga madali ang lahat. Tulad ng sinabi ng mga manunulat na nakaranas ng dilim sa buhay, para kang kahoy na ginagamitan ng paet at katam para mahubog ka na kasiya-siya sa paningin Niya.
Nalulungkot ako sa mga taong pinili ang ikalawa. Oo, masarap. Oo nandun ang kaligayahan. Oo madaling makalimot sa paraang iyon. At Oo, tuluyan mong inilalayo ang sarili mo sa Kanya sa paraang akala mo ay normal lamang.
Ngunit ayon din sa mga manunulat na noon ay pinili din ang ikalawa, nahanap nila ang daan pabalik sa Kanya. At nabuhay sa kanila ang salitang – paghihintay. Lahat, kahit ang mga propeta ay nakaranas ng matinding dagok at halos kinuwestyon na Siya bakit nangyari ang mga ito ngunit sa huli’y naipakita Niya ang tunay na dahilan – ang walang hanggan kaligayahan sa piling Niya.
Nabubuhay dapat tayo nang naaayon sa kagustuhan Niya, hindi ayon sa kagustuhan natin, dahil sa huli’y malalaman natin na ang buhay sa mundo ay isa lamang paghahanda. Paghahanda sa buhay na inilalaan sa atin ng may lalang sa atin. Nabanggit ito sa librong THE PURPOSE DRIVEN LIFE - natapos ko na itong basahin noon ngunit inulit kong muling basahin. Mas naging malinaw sa akin ang lahat. Ito na yata ang librong pumapangalawa sa Bibliya.
(Kaya naman ganun na lamang naging best-selling ang librong ito dahil maraming buhay ang nabago nito.)
Totoo, na langit sa piling Niya ngunit marami kang dapat harapin,pagdaanan at pagtagumpayan.Hindi madali ang mga ito pero siguradong sa huli’y magiging makabuluhan ang lahat. Nabubuhay tayo sa mundong mapanlinlang. Na ang lahat sa paningin natin ay inaakala nating pangmatagalan ngunit inilalayo tayo sa kanya.
Ano ba ang kaligayahan para sa’yo?
Seks, alak, sigarilyo at ang lahat ng makamundo? O ang langit sa piling Niya?
Mamili ka.