Sa puntong ito ng buhay ko, kailangan ko ng isang lalaking aahon sa akin sa matinding kahirapan. Mali. Hindi pala. Kailangan ko ng isang IT expert na tutulong sa akin para sa isang digmaan dito sa cyberworld. Mali. Hindi pa rin. Pero totoo. Kailangan ko ng isang IT expert, oo syempre sana lalaki (ehem) kung sakaling makapagdesisyon na akong magkaroon ng isang maliit na espasyo dito sa internet na masasabi kong sa akin. Tatawagin ko itong akosikulay.com. Ang ganda! Kakaiba! Parang blogspot lang ang inalis. Chuvanes!
Noong Martes, nakatanggap ang blog ko ng premyo mula sa Philippine Blog Awards ng isang taong hosting plan. Maaari na akong magregister bilang isang dot com sa anumang araw na gustuhin ko at ang panimulang plan ay sagot na nila. Iyon nga lang, sa tingin ko, hindi pa ako handa para dun. Marami pa akong dapat malaman sa pasikut-sikot dito sa internet lalo na sa mundo ng blogging. Kung sakali mang magdesisyon akong tanggapin na ang premyo, kailangang kailangan ko ng taong tutulong sa akin sa pag-aayos ng sarili kong site. Sa mga oras na ito, walang malapit sa akin na gagawa nun. At aaminin ko, hindi sapat ang kaalaman ko para dun. Baka pumalpak lang ako, sayang naman ang mga naisulat ko baka maglahong parang isang lalaking nambabae at iniwan ang kanyang asawa at mga anak. Ay mali. Hindi pala. Baka maglahong parang bula ang mga naisulat ko. Sayang naman.
Gayunpaman, nagpapasalamat ako sa karagdagan pang premyo ng PBA, pero malabo na tanggapin ko iyon dahil, ‘yun na nga, hindi pa ako handa para dun. Hindi ko na pahahabain pa dahil maghahanap pa ako ng lalaking IT expert na magiging katuwang ko sa buhay, este! Katuwang ko sakaling gustuhin ko nang maging isang dot com sa mga susunod na araw, linggo, buwan o taon. Pero siguro hindi muna ngayon.
No comments:
Post a Comment