Ako, isang laruan? Oo. Laruan. Iyan ang pakiramdam ko nang sabihin nyang hindi na siya masaya sa akin. Sa tagal ng mga taong magkasama kami, laruan lang pala ako sa paningin nya. Hindi na siya masaya. Wala ng thrill. Gusto na nya ng iba. Parang laruan nang bitawan nya ako.Pakiramdam ko noon, isa na akong lumang laruan. Wala ng pakinabang, marumi at sira-sira. Masakit. Hindi naman ako laruan.
Binaligtad ko na lang nang mawala na ang sakit.
Inihalintulad ko na lang ang sarili ko sa isang batang may laruan. Luma na pero dahil sa tagal, napamahal na siya sa akin. Mahal na mahal. Kahit na mukhang marumi at may sira,hindi ko siya mabitawan. Hanggang sa pilit na siyang kunin sa akin ni tatay. Ayaw kong ibigay, umiyak ako nang umiyak. Mapilit si tatay, kinuha nya pa rin sa akin. Hindi na tumigil ang pagluha ko. Hindi ko naman magawang magalit sa kanya dahil tatay ko siya.
Hanggang sa ibulong sa akin ng mga kapatid ko na huwag nang malungkot. Itigil ko na ang pag-iyak. May sorpresa daw na inihahanda si tatay. Bago at mas higit sa kinuha nya sa akin. Sabi daw ni tatay, ibibigay nya iyon basta magpapakabait ako at maghihintay.
Muli akong ngumiti. Biglang lumundag ang puso ko sa saya. Mabait talaga si tatay. Alam nya kung anong higit na magpapasaya sa akin.
Ngayon, naghihintay ako. Naghihintay ako sa sorpresang inihahanda sa akin ni tatay, ng tatay ko sa Langit. Pangako, kailanman, hinding-hindi ko siya ituturing na laruan.
Kung sino man ang nakapulot ng kinuha sa akin ni tatay, kahit na luma na yan, marumi at may sira,pakiingatan.Huwag mo siyang paglalaruan. Huwag mong sasaktan, kahit na nagawa nya akong saktan nang ituring nya akong isang laruan.
(Inspired by the story ‘The Girl With a String of Rice Pearls’ mentioned in the book “How to Mend a Broken Heart by Nelson T. Dy.)