“Minsan, madalas tayo rin ang gumagawa ng dahilan kung bakit sumisikip ang mundong ginagalawan natin.”
Alas-kwatro ng madaling araw, Linggo, lumilipad ang isip ko. Binabalikan ko ang mga araw kung paanong sumikip ang mundo ko noon at kung paano muling lumuwag ngayon.
Noon,
Napakarami kong tanong, ngunit wala ako ni isang makuhang sagot. Hindi ko maintindihan ang mga bagay-bagay na nangyayari sa buhay ko na mula sa isang trahedya, na sinundan ng isa, at ng isa, at ng isa pa. Dinaig pa nga ang telenovela. At dahil doon naging sobrang malungkot ang buhay ko
noon.
Ang kalungkutang ‘yun ang naging dahilan kung bakit napuno ng galit ang puso ko.
Nagalit ako sa mga taong hindi ako maintindihan kung bakit naghahanap ako ng mga sagot sa mga tanong sa buhay ko.
Nagalit ako sa mga taong naging dahilan ng trahedya sa personal na buhay ko at ng pamilya ko.
“Nagalit ako sa mga taong nakangiti pa habang puno ako ng mga tanong kung bakit nangyari sa akin, sa amin, ang mga trahedyang ‘yun.”
Unti-unting naramdaman ko ang pagsikip ng mundong ginagalawan ko habang unti-unting nararamdaman kong kinakain na ng galit hindi lang ang puso ko, kundi pati na ang buong pagkatao ko.
Tuluyang sumikip ang mundo ko,
bitterness
hatred
anger
and worst,
paranoia
Lahat ng ‘yan naranasan ko. Puro pait, pagkasuklam at galit ang nabibitawan ko laban sa mga taong hindi ako maintindihan.
At ang pinakamalala,
kaunting mabitawang salita ng ilang tao sa paligid ko, pakiramdam ko, ako na ang tinutukoy.
Paranoia.
Masikip.
Hindi ako makahinga.
Ngunit nang maramdaman kong hindi na ako ang dating ako na
tahimik
masayahin
matiisin
at
marunong magpakumbaba
lumapit na ako sa Panginoon.
Hindi na ako kayang tulungan ng mga tao sa paligid ko dahil mismong ang sarili ko ay hindi ko kayang tulungang maalis ang lahat ng di magandang nararamdaman ko.
Pakiramdam ko kasi
ako ang biktima
ako ang inapi
wala akong ginagawa
wala akong kasalanan
puro
ako.
Oo, ako.
Ako lang din pala ang nagpasikip ng mundo ko.
Nanalangin ako
na samahan ako ng Panginoon habang inaalis ko ang galit na ‘yun sa kapwa ko.
Hindi naging madali.
Ngunit habang pinalalalim ko ang relasyong mayroon ako sa Kanya, naramdaman kong Siya na ang nag-aalis ng mga galit na ‘yun.
Nawala ang
bitterness
hatred
anger
and best,
paranoia.
Hindi perpekto ang buhay ko ngayon.
Hindi ako perpekto.
Walang perpektong buhay
Walang taong perpekto.
Pero perpekto ang Diyos na kaya tayong baguhin kung ano tayo noon at iahon tayo mula sa sa pinakamababang lugar na pinagbagsakan natin.
“Pero hindi nagtatapos sa MINSAN ang pag-ahon N’ya sa atin .”
Dahil patuloy ang buhay.
Araw-araw, iba’t ibang hamon ang haharapin natin, madalas ang hamon na ‘yun manggagaling sa kapwa tao natin. At may mga pagkakataong muli tayong babagsak, madadapa, masusugatan. Ngunit ang dapat itanim natin sa mga puso natin,
“Hindi N’ya tayo MINSAN lang iaangat.”
At pagkatapos nun ay lalayo na ba S’ya sa atin?
At pagkatapos nun ay iiwan na N’ya ba tayo at bahala na tayo sa mga sarili natin?
Hindi.
Gagawin N’ya yun nang MADALAS, kasingdalas ng muling pagbagsak natin upang iparamdam N’ya na kasama natin S’ya sa bawat segundo ng buhay natin.
At tayo lang naman ang nakakalimot sa Kanya
Minsan.
Madalas.
“Minsan, madalas tayo rin ang gumagawa ng dahilan kung bakit sumisikip ang mundong ginagalawan natin.”
Alas-kwatro ng madaling araw, Linggo, lumilipad ang isip ko. Binabalikan ko ang mga araw kung paanong sumikip ang mundo ko noon at kung paano muling lumuwag ngayon.
No comments:
Post a Comment